Pagbili ng ‘overpriced’ entry-level laptops, paiimbestigahan sa Senate Blue Ribbon

Nadagdagan pa ang bilang ng mga Senador na nais paimbestigahan ang maanomalyang pagbili ng mga entry-level at overpriced na mga laptop ng Procurement Service ng Department of Budget Management.

Nag-ugat ito sa ulat ng Commission on Audit kung saan ay na-flag ang P2.4Billion na halaga ng mga laptops para sa mga guro.

Napag-alaman kasing ang ni-request lang ng DepEd para sa kada unit nito ay nagkakahalaga ng P35,046.50 ngunit ang inaprubahang budget ng PS-DBM ay nagkakahalaga ng P58,300.

Ito ay kahit na hindi nag-match ang presyo sa specs ng laptop dahil sa mahinang processing power nito.

Inihain ni Senador Alan Peter Cayetano ang Senate Resolution No. 134 kung saan ay hinikayat nitong imbestigahan na ng Senate Blue Ribbon Commitee ang isyu.

Dapat din aniyang alamin kung bakit na-delay ng siyam na buwan ang pagbili ng mga laptops gayong kailangang-kailangan na ito ng mga guro para sa blended learning.

Sinabi naman ni Senador Win Gatchalian na dahil sa mababang kalidad ng mga laptop ay hindi nagamit nang tama ang pera ng taong-bayan at higit ding naapektuhan ang trabaho ng mga guro.

Pina-aabolish din ni Gatchalian ang tanggapan noon pang nakaraang taon dahil sa umano’y pagtanggap ng pondo mula sa mga ahensyang hindi naman ginagamit ang kanilang mga budget.

Bago ito, kahapon ay nauna na ring naghain si Senate Minority Leader Koko Pimentel ng Senate Resolution No. 120 na layon din itong paimbestigahan sa Senado.

DepEd, tiniyak ang koordinasyon sa imbestigasyon

Tiniyak ng Department of Education na handa itong makipag-coordinate sa anumang isusulong na congressional probe hinggil sa mga maanomalyang pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget Management sa mga overpriced na entry-level laptops para sa mga public school teachers.

Ayon kay DepEd Spoksperson Atty. Michael Poa, wine-welcome nila ang mga resolution na inihain para maimbestigahan ang isyu.

Una na rin nitong tiniyak na magiging transparent sila hinggil dito, at makatitiyak ang publiko na magkakaroon ng accountability.

Kaugnay nito, hinikayat din ng Commisison on Audit ang Department of Information and Communications Technology na makipagugnayan na sa DepEd para matiyak ang pangangailangan sa gadgets ng mga teachers.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *