Pagbubukas ng “humanitarian corridor” para sa mga Pinoy sa Gaza, pinamamadali ni Rep. Salo

Nanawagan si House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo sa Department of Foreign Affairs na na gawin ang lahat ng diplomatic measures upang mapabilis ang pagbubukas ng “humanitarian corridor” para sa mga Pilipinong naipit sa Gaza Strip.

Sa ngayon kasi ay isandaan at tatlumpu’t limang Pinoy ang nananatili sa Gaza kung saan sinasabing lumalala ang sitwasyon dulot ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Sinabi ni Salo na kakailanganin ang suporta at kooperasyon ng United Nations at ibang bansa para sa pagbubukas ng humanitarian corridor kaya dapat kumilos na ang DFA at makipag-ugnayan sa international community.

Sa ilalim aniya ng humanitarian corridor, pansamantalang magpapatupad ng ceasefire sa pagitan ng dalawang panig upang ligtas na makatawid ang mga Pilipino at foreign nationals na naipit sa Gaza.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na dapat mapadali na ang proseso para sa pagtawid mula Gaza patungong Egypt sa pamamagitan ng Rafah border kasabay ng pag-asang sasapat ang ilalaang panahon para sa humanitarian corridor.

Batay sa ulat, pitumpu’t walong Pinoy mula sa Gaza ang nagnanais na ma-repatriate patungong Cairo, Egypt at saka bibiyahe pabalik ng Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *