Pagbuklurin ang nasa panig ni Rosal, prayoridad ni Garbin sa Legazpi City

LEGAZPI CITY – Inihayag ni Ako Bicol Party-list Rep. Cong. Atty. Alfredo “Pedo” Garbin na kung sakali mang siya ay tuluyan nang uupo bilang alkalde ng Legazpi City, may ilan siyang mga ipinangako sa panahon ng kanyang kampanya na kailangan tuparin.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa kongresista, sinabi niya na uunahin niya sa ngayon na lumapit sa mga taong nasa panig ni Mayor Geraldine Rosal at pagbuklurin upang magkaisa.

Ayon sa kanya, hindi naman makakakilos nang maayos kung ang bawat isa ay malayo at may pagkakabahagi.

Dagdag pa niya, isa rin sa mga pokus ng kanyang programa ay ang pagkakaroon ng maraming mga trabaho sa lunsod, negosyo at mga investments.

Maliban dito, tututukan niya rin umano ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Legazpeño, tulad ng malinis at accessible na tubig.

Samantala, nagpahayag naman ng pagpapasalamat si Garbin sa naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa pagdiskwalipika kay Rosal sa pagkaalkalde nito.

Aniya, hindi lamang karamihan ang pumabor, bagkus halos lahat umanong mga commissioners ay pumanig sa nasabing desisyon na siya ang pumalit sa posisyon ng pagkaalkalde.

Sinabi niya, ito ay dahil ang naging desiyon ay mayroong batayan sa batas at naaayon sa mga patunay na kanilang inilatag.

Sa ngayon ay naghihintay si Garbin sa judgment ng komisyon na maging pinal at executory ang desisyon oras na hindi magbaba ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema kay Rosal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *