Paggamit ng SITEX, patuloy na pinag-uusapan sa Sangguniang Panlalawigan

Patuloy na pinag-uusapan sa Sanggunian Panlalawigan ang panukalang pormal na gamitin o gawing common terminal at ticketing booth ng mga bus sa lalawigan ang Sorsogon Integrated Terminal Exchange o SITEX.

Ayon kay 1st District Board Member Ryan Dioneda na siyang proponent ng panukala, sa pamamagitan umano nito ay maiiwasan na ang mga nagkalat na illegal ticketing booth ng mga bus at magiging komportable ang mga pasahero na magpareserba at habang naghihintay ng kanilang biyahe.

Mababatid na sa Sangguniang Panlungsod ay agad na inaprubahan ng SP ang panukala ni Bacon District City Councilor Danny Deladia na obligahin ang mga bus companies sa lalawigan na gamitin ang SITEX bilang kanilang terminal at ticketing booth.

Ang nasabing panukala ang revised resolution na muling isusumite ng Sangguniang Panlungsod sa Sangguniang Panlalawigan matapos na ideklarang invalid ang naunang resolution.

Umaasa naman ang mga opisyal na matatapos agad ang nasabing usapin para na rin sa kaginhawaan ng mga bibiyaheng Sorsoganon.

Sa kasalukuyan, ilan sa mga gumagamit ng SITEX bilang kanilang ticketing booth at terminal ay ang JVH Bus Line, St. Jude Transport o Bicol Isarog,  DLTB Co. at Queens Express na biyaheng Bulan at Legazpi City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *