Pagiging magagalitin ni Kyle sa taping, ibinuking nina Andrea at Francine

Super close na talaga ang apat na miyembro ng tinaguriang “Gold Squad” na kinabibilangan nina Andrea Brillantes, 18-anyos, Francine Diaz, 17-anyos, Kyle Echarri, 17-anyos, at Seth Fedelin, 18-anyos.

Sa isang press conference ay natanong ng Brigada News FM sa cast ng teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” kung may mga bagay sila na hindi napagkakaunawaan sa gitna ng kanilang lock-in taping.

Una nang nagkatrabaho sina Kyle, Seth, Andrea, at Francine sa teleseryeng “Kadenang Ginto.”

Sinabi ng Gold Squad, na wala pa silang malaking away na nangyayari.

Pero ayon kina Francine at Andrea, may mga pagkakataon na pinapagalitan sila ni Kyle kapag meron silang hindi nakakabisang linya o nagiging mabagal ang kanilang kilos.

Nilinaw naman ni Kyle na hindi naman siya nagagalit talaga sa kanyang mga kapwa artista.

Sinabi ng aktor na minsan ay kailangan niya lang talaga na i-push ang kanyang mga kasamahan sa trabaho.

Samantala, natanong rin sa parehong press conference kung may balak silang mag-solo sa isang project.

Ayon kay Andrea, masaya silang apat bilang magkatrabaho, pero may time na naiisip nila na gusto rin nila mag-grow sa kanilang career.

Inihayag naman ni Francine na ico-consider nila ang individual projects bilang blessing, at hindi naman nila ito tatanggihan.

Ngunit sinabi ni Francine na sa haba ng panahon nilang magkakasama ay posibleng manibago siya na mahiwalay sa kanilang grupo.

Sa kabila nito ay tiniyak ni Francine na magiging ready siya sakaling magkaroon ng pagkakataon na mag-grow ang kanyang career.

Napapanood ang The Gold Squad sa “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa TV5. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5. Isa ang TV5 sa platforms kung saan nae-enjoy ang mga palabas ng ABS-CBN sa patuloy nitong paghahanap ng paraan na maabot ang mga Pilipino nasaan man sila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *