Pagiging organisado at maayos na sistema sa Mercedes Fish Port tinalakay sa isang consultative meeting

CAMARINES NORTE- Pagiging organisado at maayos na sistema sa Mercedes Fish Port tinalakay sa isang consultative meeting

Tinalakay sa isang Consultative Meeting kung paano higit na magiging maayos at organisado  ang sistema sa Mercedes Fish Port para sa mga naghahanapbuhay at pumupunta dito.

Ang pagpupulong ay pinangunahan  ni Mayor Alexander Pajarillo, kasama si Mrs. Marites Bana Market & Fishport Supervisor, at ang hepe ng Mercedes Municipal Police Station na si  Police Major Romeo Benito Hugo at ilan pang mga fishport staff.

Dinaluhan ang pagpupulong ng mga nagtitinda ng isda na tingi o retail na kung tawagin sa lugar ay  “para plato” at ang mga nagdadala ng isda mula sa mga malalaking bangka patungong Pandawan na tinatawag namang ” Parasabat.”

Dito ay inilatag ng munisipyo ang ilang mga bagay na kailangang masunod para sa maayos na daloy ng pagbebenta at pamimili ng isda.

Ayon sa Lokal na Pamahalaan ginawa ang hakbang na ito sa layuning lahat ay mailagay sa ayos at upang ma- proteksyunan din ang mga lehitimong stall owner.

Kabilang sa mga napagkasunduan sa naturang pag- uusap ay bibigyan ng stainless table ng munisipyo ang mga “Para- Plato.” na paglalagyan nila ng isda sa halip na nasa lapag.

Sila ay pupuwesto sa lumang food court, naka unipormeng  kulay dilaw at may sout na ID na agarang ipatutupad sa oras na mabigyan na sila ng stainless table.

Ang mga “Para-Sabat” naman ay pupuwesto sa bahagi ng fish landing area sa mismong sa pinaka daungan ng bangka para sumalubong sa mga basnigero, na nakaunipormeng kulay green at may suot na ID.

Ang Mercedes Fish Port na kilala sa tawag na Panadawan ay nagsisilbing bagsakan ng mga huling isda hindi lang ng taga Mercedes kundi maging taga ibang bayan at probinsiya.

Ito rin ang sentro ng bilihan ng mura at sariwang mga isda at iba pang lamang dagat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *