Nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol ng Integrated Livelihood program orientation sa mga benepisyaryo sa Legazpi City para sa proyektong Pagkain Oragon.
Ayon kay Zenaida Angara-Campita, regional director ng nasabing tanggapan, ito umano ay alinsunod sa paghahangad na mapahusay at maiangat ang socio-economic status ng mga Legazpeño, informal food vendors.
Nakipagtulungan ang DOLE sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay at iba pang mga ahensya tulad ng RTWPB, DTI at TESDA sa pagpapatupad ng proyekto ito na mayroong aabot sa 80 benepisyaryo.
Ito ay naglalayong itaas at baguhin ang imahe ng negosyo ng mga masisipag na nagtitinda ng pagkain sa kalye sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga estratehiya para sa ligtas na mga gawi sa pagkain.
Maliban pa rito, pangunahing layunin ng programa ay tumulong na alisin ang stigma sa negosyo ng street food bilang isang “Hepa Lane” at sa halip, kilalanin bilang “Pagkaing Oragon” na isang safe food zone destination sa Albay.
Dahil dito, magdadala ito ng mas maraming customers at makakabuo ng mas maraming benta, at magbibigay ng mas napapanatiling kabuhayan.
Dagdag pa nito, ang ahensya ang magbibigay ng pondo para sa proyekto; samantalang ang RTWPB ay tutuon sa pagbibigay ng pagsasanay sa pag-aayos at kalidad ng serbisyo; DTI sa packaging at labeling gayundin sa paghahanda ng pagkain; TESDA sa paggawa ng Nego-Kart at iba pang kaugnay na pagsasanay; at ang pamahalaan ng Albay ay magsasagawa ng pagkakaloob ng pasilidad at relokasyon para sa mga benepisyaryo.
Makakatanggap ang bawat benepisyaryo ng pinakamataas na alokasyon ng tulong bawat indibidwal na aabot sa PHP30,000 at para sa grupo ay humigit-kumulang PHP1M, depende sa kinakailangan ng proyekto.