LEGAZPI CITY – Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Bicol na maipagpapatuloy pa rin ang paglagay ng mechanical grain drier facility sa ilang mga lalawigan sa rehiyon sa susunod na taon.
Ayon kay NFA Bicol information officer, Jahara Shyrra Revilla Pavilando, itutuloy pa rin ng ahensya ang paglagay ng pasilidad dahil sa patuloy ang pagpapatupad ng capital key projects, kung kaya’t dadagdagan ang post harvest facility ng nasabing tanggapan.
Inaasahan ng tanggapan na mayroong pang apat na mechanical grain drier sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon.
Aniya, mahalaga ang paglagay nito dahil sa binibili ng NFA sa mga magsasaka ang kanilang palay na dapat ay tuyo sa oras na aanihin na ng mga farmers.
Hindi umano nangangahulugan na kapag inani na ng mga magsasaka ay tuyo na ito at maaaring nasa 80% ang moisture content, kung kaya’t hindi pa maaaring bilhin o gamitin.
Karamihan din sa nabibiling palay ay may 18% lamang na moisture content kapag bagong ani.
Binigyang-diin din na mayroong requirements upang mabili sa magsasaka ang aanihing palay, kung saan kailangang pumasa sa pamantayan na 14% ang moisture content upang tumagal at maging maayos ang kalidad nito.