Pagpapaliban ng RDRRMC sa nationwide simultaneous earthquake drill, ipinaliwanag ng OCD Bicol

LEGAZPI CITY – Hindi muna sumama ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa unang quarter ng taong 2023 kahapon, Marso 9, dahil sa  transport strike sa rehiyon, ayon Office of the Civil Defense (OCD) Bicol.

Ayon sa tagapagsalita ng tanggapan na si Gremil Naz, sa inilabas na memorandum 21, series of 2023 na pirmado ni RDRRMC Bicol Chairperson at OCD Bicol regional director, Claudio Yucot, napagdesisyunan nila, kasama ang ilan sa mga ahensya ng gobyerno, at  Local DRRM offices na i-reschedule sa Marso 16 ang nasabing aktibiad sa ganap na alas 2 ng hapon.

Aniya, nasa diskresyon na rin ng mga regional directors, local chief executives at mga ahensya sa rehiyon kung makikilahok sila rito.

May mga LGUs pa umano na nasa online modality classes dulot ng malawakang tigil-pasada na nag-umpisa nito lamang Lunes, kung kaya’t masasayang lamang ang drill kung ipagpatuloy ito nang walang partisipasyon ang mga mag-aaral.

Paliwanag din nito na ang pagsasagawa ng earthquake drill ay mahalaga, lalo na sa mga paaralan upang matutunan kung ano ang mga dapat na gawin at ihanda ng mga mag-aaral at guro tuwing mayroong mga ganitong uri ng sakuna.

Ayon kay Naz, sa pamamagitan nito ay madali nilang matukoy, kung ano ano pa ang mga dapat na gawin ng ahensya upang mas ma-improve ang kahandaan at kaalaman ng bawat isa.

Dagdag pa ng opisyal, ang aktibidad ang siyang magiging daan pupangara maberipika kung ligtas ba ang lugar na pinupuntahan ng mga mag-aaral sakaling magkaroon ng malakas na  lindol.

Samantala, nakiisa rin ang isang malaking mall sa Legazpi City sa isinagawang earthquake drills bilang paghahanda upang mas maging ligtas ang mga empleyado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *