CAMARINES NORTE – Naniniwala ang Provincial Health Office na dapat mapag usapan ang tungkol sa pagpasok ng mga Barangay Health Worker sa pulitika.
Sa ginawang Quarterly Meeting ng mga Municipal Health Officer, Rural Health Physician at iba pang stakeholders sa isang hotel dito sa bayan ng Daet kahapon, binuksan ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco ang isyu ng pagpasok sa pulitika ng mga BHW.
Aniya importanteng mapag usapan ang isyu kasama ang Department of the Interior and Local Government dahil ito naman ang gumagawa ng mga polisiya.
Ang isyung ito umano ang bubuksan ni Francisco kapag nagkaroon ng Regional Development Council meeting ang Department of Health.
Nais ni Francisco kapag registered at accredited BHW ay mayroon dapat ilang taon na hindi sila dapat pumasok sa pulitika dahil saying naman aniya ng training na ibinibigay sa kanila kung basta na lang iiwanan ang kanilang trabaho sa Barangay.
Batay sa datos ng PHO mayroong 1, 313 na BHWs sa buong probinsiya ng Camarines Norte.
Sa bilang na ito 1, 008 ang accredited, 190 registered at mayroon ding 23 naghihintay pa lang na maipasok sa local health board.
Isinulong rin ni Francisco na doblehin ang augmentation na ibinibigay ng probinsiya sa mga BHW sa susunod na taon.
