Pagpasok sa 6km PDZ ng bulkang Mayon, mananatiling ipagbabawal – APSEMO

LEGAZPI CITY – Nagpaalalang muli ang Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO) tungkol sa panganib sa pag-akyat sa Bulkan Mayon ng nasabing lalawigan.

Ito ang naging pahayag ni APSEMO chief, Dr. Cedric Daep, kasunod ng pagtatapos ng ika-13 araw na search, rescue at retrieval operation sa apat na nasawing mga biktima ng eroplanong bumagsak malapit sa bunganga ng nasabing bulkan noong Pebrero 18 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Daep, nananatili pa rin sa alert level 2 ang status ng bulkan at nangangahulugang malaki pa rin ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruptions o hazardous magmatic eruption anumang oras.

Ito ay una nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na patuloy nilang nakikitaan ng aseismic growth sa lava dome nito.

Binigyang-diin pa ni Daep sa publiko ang “no human activity” at ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer-radius permanent danger zone upang maiwasan sa posibleng pagsabog nito, maging ang rock fall at landslides.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *