Pagputol ng Philippine Coast Guard sa  floating barriers na pinangharang ng China sa Scarborough Shoal, suportado ng isang senador

CAMARINES NORTE – Suportado ni Senator Francis Tolentino ang ginawang pagputol o pagtanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa floating barrier na pinangharang ng China sa Bajo De Masinloc o mas kilala bilang Panatag Shoal o Scarborough Shoal, na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa panayam ng local media sa kaniyang pagbisita dito sa lalawigan ng Camarines Norte kahapon, para sa Ground Breaking Ceremony ng itatayong 5- storey building sa Provincial Hospital, sinabi ni Tolentino na tama lang ang ginawa ng Coast Guard na tanggalin ang mga floating barriers at kung maglagay ulit ang China ay ganun din ang marapat gawin.

Matatandaan na base sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay pinutol at tinanggal ng PCG ang inilagay na “floating barriers” ng Chinese Coast Guard sa bukana ng Scarborough Shoal.

Kasabay nito ay hinihikayat ng PCG ang mga mangingisdang Pilipino na patuloy lang na mangisda sa lugar at sa iba pang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Samantala, matipid naman ang komento ng senador ng matanong tungkol sa kontrobersyal na confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President at Department of Education.

Sa Kamara ay  sinabi ni Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co na aalisin na umano ang ₱650 million na kabuuang confidential and intelligence funds ng OVP at DepEd na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *