Pagsirit sa MERALCO bill, namumuro

Ngayong Enero ay inaasahang mararamdaman na ang epekto sa mga konsyumer ng pagputol ng power supply deal sa pagitan ng San Miguel Corporation (SMC) at ng Manila Electric Company o MERALCO.

Sa isang panayam, sinabi ni MERALCO spokesperson Joe Zaldarriaga na hindi nila isinasantabi ang pagsipa sa January billing ng kanilang mga customers bunsod ng pagpapahinto ng pagsu-suplay ng 670MW ng kuryente mula sa SMC.

Maliban pa ito sa posibleng pagtataas sa December billing kung hindi raw maihahabol ang refunds sa ilang mga charges.

READ MORE:

Sa hiwalay na panayam, umaasa naman ang Energy Regulatory Commission (ERC) na sana raw ay matapos pa ng SMC ang nalalabing mga buwan nito para sa pagsu-suplay ng kuryente sa MERALCO.

Kumpyansa naman si ERC Chairperson and CEO Monalisa Dimalanta na may makukuhaang ibang supplier ang MERALCO.

Matatandaaang sa ngayon ay sa wholesale electricity spot market o WESM na muna kumukuha ng suplay ang MERALCO para masalo ang nawalang suplay mula sa San Miguel.

Pinangangambahang mas ‘volatile’ ang presyo nito dahil nakadepende ang charge nito sa supply at demand sa merkado.

Kung ang San Miguel ay nagcha-charge ng P4.30 kada kWh – ang WESM naman ay naglalaro sa P7 to P9 ang presyo.

Dahil dito, hindi na malabong mas mataas na ang aasahang singi sa kuryente ng mga MERALCO consumers.
#

Emergency bidding, ipinanawagan

Kumatok si Senador Win Gatchalian sa mga stakeholders ng energy sector na gumawa ng mga pamamaraan para hindi maipasa sa mga konsyumer ng MERALCO ang ginawang pagtigil ng San Miguel Corporation ng pagsusuplay ng kuryente sa kumpanya.

Sa isang pahayag, sinabi ng Senador na dapat ay payagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (MERALCO) na mabigyan ng kapangyarihang magkaroon ng emergency purchase ng 1,000 megawatts (MW).

Sa ganitong paraan aniya ay magkakaroon ng mas competitve na selection process at maiiwasan ang labis-labis na taas-singil sa mga konsyumer ng MERALCO at kabi-kabilang mga power interruptions.

Kinalampag naman ni Senador JV Ejercito ang Department of Energy (DOE) na magkaroon na rin ng mga inisyatibo para maumpisahan na ang renewable at sustainable energy sources.

#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *