Pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Camarines Norte bahagyang bumagal noong Abril

CAMARINES NORTE- Bahagyang bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan ng Camarines Norte noong Abril.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) naitala ang 7.9 % inflation rate sa lalawigan na bahagyang mas mababa kumpara sa 8. 3 % noong Marso.

Gayunman, maituturing pa rin itong mataas sa “manageable level” ng inflation.

Mas mataas ito sa 4.5 % sa kaparehong panahon noong isang taon at pinakamataas  sa loob ng siyam na taon sa magkakaparehong buwan.

Huling naitala ang mababang inflation noong 2015 sa 1.1 %.

Kung pagbabasehan ang datos ng PSA, mapapansing mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Abril sa halos lahat ng probinsiya sa Bicol Region maliban sa Sorsogon.

Halos hindi rin kasi bumaba ang Regional inflation rate matapos maitala ang 7.9 % na mababa ng isang punto kumpara sa 8.0% noong Marso.

Mas mataas din ito sa 3.1 % sa kaparehong panahon noong isang taon at pinakamataas sa loob ng siyam na taon.

Pinakamabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Camarines Sur at Catanduanes na may 9.4 % at 9.1 % inflation rate ayon sa pagkakasunod- sunod.

Ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng pangkaraniwang serbisyo at produktong binibili ng mga konsyumer.

Kapag mataas ang inflation kinakailangang gumastos ng mas maraming pera ang mga tao para sa mga serbisyo at kalakal na kanilang binibili.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *