Imposible pa umano ang hiling ng lalawigan ng Sorsogon na sa probinsya itayo ang isa pang sangay ng Philippine Science High School, ayon ito sa Department of Science and Technology o DOST.
Ayon kay DOST Secretary Dr. Renato Solidum, ito’y dahil kailangan munang magpasa ng batas sa Kongreso kung magtatayo ng isa pang sangay ng Philippine Science High sa rehiyon.
Nakapaloob kasi sa RA 8498 o ang Philippine Science High School Act of 1997 na magkakaroon lamang ng iisang Philippine Science High School sa bawat Rehiyon.
Sa Bicol, kasalukuyang nasa Goa, Camarines Sur ang nasabing paaralan na ika-pitong campus ng Philippine Science High School System na itinayo noong 1998.
Bagama’t nagkaroon na ng mga panukala sa Kongreso na amiyendahan ang RA 8498 tulad ng House Bill 5567 noong 2021 o ang panukalang tanggalin na ang limistasyon ng pagpapatayo ng nasabing paaralan sa bawat rehiyon, sa ngayon ay malaking factor pa rin ang pagkakaroon ng dami ng mga magiging scholar ng programa at wala pang naipapasang batas na nag-aamyenda sa RA 8498.
Matatandaan na sa ginanap na Regional Science Technology and Innovation Week ay hiniling ni Governor Boboy Hamor sa DOST na pinamumunuan ni Dr. Solidum kung maaari ay magtayo ng sangay ng Phillippine Science High School sa Sorsogon para sa mga iskolar mula sa lalawigan at mga taga Samar.
