Palasyo, hindi uutusan ang PSG para magbahagi ng impormasyon sa unregistered vaccine

Walang plano ang Malacañang na utusan ang Presidential Security Group na ibigay sa Food and Drug Administration ang impormasyon kaugnay sa paggamit nito sa hindi rehistradong COVID-19 vaccines noong 2020.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi bahagi ng trabaho ng Palasyo na manghimasok sa ginagawang probe ng investigative agencies.

Inihayag ito ni Roque, dalawang araw matapos isiwalat ni FDA Director General Eric Domingo na hindi pa nakakatanggap ng impormasyon ang ahensya mula sa PSG kaugnay sa mga doses ng Sinopharm vaccine na natanggap at ginamit nito noong 2020.

Mababatid na nagbigay ang FDA ng compassionate use authorization sa PSG Hospital para sa Sinopharm vaccine noong Pebrero lamang.

Noong Lunes naman ay nagpabakuna ang Pangulo gamit ang Sinopharm, at mismong si Health Secretary Francisco Duqe Duque ang nagturok sa kanya.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang Pangulo kaugnay sa paggamit ng hindi rehistradong bakuna kahit pa saklaw ito ng compassionate use permit na inisyu ng FDA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *