Palasyo, pinabulaanan ang 2 araw na bawas sweldo sa mga gov’t employee bilang relief fund para sa Turkey at Syria

Pinabulaanan ng Malacañang ang kumakalat na Memorandum Circular na nag-uutos ng dalawang araw na bawas-sweldo sa mga kawani ng gobyerno para makalikom ng relief fund para sa mga naapektuhan ng lindol sa Turkey at Syria.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, na nakikipag-ugnayan na aniya sa mga awtoridad ang tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin hinggil sa issue.

Nakasaad sa pekeng memo circular na ang dalawang araw na sahod ng mga kawani ng gobyerno ay ibabawas sa buwan ng Marso para umano sa President Relief Fund for Turkey and Syria.

Matatandaang nagpadala na ng humanitarian team ang gobyerno sa Turkey na kinatawan ng mga engineer at health workers at tumutulong sa search and rescue sa mga gumuhong gusali na pinabagsak ng 7.8 magnitude na lindol.

Pinag-aaralan pa ng gobyerno kung anong tulong naman ang iaabot sa Syria.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *