Pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes, naglabas ng mga bagong panuntunan ngayong nakasailalim sa Alert Level 3 ang probinsya

BNFM BICOL— Bunsod ng muling pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19, napabilang ang Catanduanes sa mga lalawigan sa Bicol na itinaas sa Alert Level 3 ang quarantine classification.

Bilang tugon sa pasyang ito ng National IATF, naglabas ng mga bagong panuntunan ang pamahalaang panlalawigan na siyang paiiralin ngayong nakasailalim sa Alert Level 3 ang probinsya.

Batay sa ibinabang Executive Order No. 2 series of 2022 na pirmado ni Catanduanes Governor Joseph Cua, mahigpit na ipinagbabawal sa islang lalawigan ang pagsasagawa ng face to face classes para sa basic education; contact sports, pagbubukas ng mga kantahan at sayawan gaya ng karaoke bars at mga clubs, gayundin ang mga concert hall at iba pa.

Tanging 30% capacity lamang ang pahihintulutan para sa mga indoor activities habang 50% naman kapag outdoors.

Mananatiling bukas at operational ang mga tanggapan ng gobyerno ngunit ipapatupad ang 60% on site workforce. Fully operational naman ang mga ahensya at tanggapan na nakatalaga para sa emergency at medical services.

Pagdating sa travel protocols, tanging mga APOR at essential travellers lamang ang pahihintulutang makapasok sa isla para sa mga magmumula sa lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 pataas habang tatanggapin naman sa lalawigan ang mga LSI at Returning Residents na mula sa mga lugar na nasa Alert Level 2 pababa.

Kinakailangan pa ring mga presenta o mag upload ng negatibong resulta ng RT-PCR test ang lahat ng biyahero sa S-PaSS system, anuman ang vaccination status , liban na lamang sa mga APOR na mula sa mga National Government Agencies.

Bawal rin munang ibiyahe papasok at palabas ng lalawigan ang mga batang edad 12-anyos pataas.

Kaugnay nito, hiniling ng pamahalaang panlalawigan ang kooperasyon ng publiko dahil isa ito mga hakbang na kanilang ipinatutupad upang kahit papaano ay mapigilan ang patuloy pang pagkalat ng COVID-19.

Matatandaang bukod sa Catanduanes, nakasailalim rin ngayon sa Alert Level 3 ang Camarines Sur, Albay, Naga City, Sorsogon at Camarines Norte.###

Leave a Reply

Your email address will not be published.