Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ang paghahanda laban sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa Palawan.
Ito ay matapos na mayroong maitalang ASF sa Carcar City, Cebu noong March 1, 2023.
Ayon kay Dr. Darius P. Mangcucang, OIC ng Provincial Veterinary Office (PVO), ang paghihigpit na ito ay upang maprotektahan ang industriya ng pagbababoy at maiwasang makapasok sa lalawigan ang ASF.
Ang virus ay nagdudulot umano ng sakit na mabilis kumalat sa mga baboy at nagiging sanhi ng malawakang pagkamatay ng mga hayop.
Sa ngayon, patuloy ang mahigpit na monitoring at surveillance sa mga munisipyo at inaabisuhan ang mga nag-aalaga ng baboy na makipag-ugnayan sa municipal Agriculture Office (MAO) para sa agarang pagpaparehistro ng kanilang piggery.
Samantala, sa ngayon ang lalawigan ng Palawan ay nananatiling nasa “Green Zone” o African Swine Fever free.