Pamamaril sa kasalan sa San Pablo, Isabela; 2 patay, 8 iba pa sugatan

Nauwi sa trahedya ang kasiyahan sa isang kasalan matapos pagbabarilin at masawi ang isang barangay kagawad at ikinasugat ng walong katao sa Brgy. Dalena, San Pablo, Isabela.

Kinilala ang napatay na biktima na si Brgy. Kag. Girly Telan at residente ng Simanu Sur sa nabanggit na bayan.

Habang sugatan naman si Punong Barangay Brixsio Gammaru at pitong iba pa.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyan umano na isinasayaw noon ni Barangay Chairman Gammaru si Kagawad Telan nang lumapit ang suspek na si Marcelo Constantino, 23-anyos, binata, residente ng Bulu, Allacapan, Cagayan, at nagpaputok ng baril.

Ayon pa sa PNP posible umanong si Gammaru ang target ng gunman subalit nadamay lamang ang kaniyang kasayaw na si kagawad Telan na siyang napuruhan.

Ito ay dahil makailang beses na rin umanong pinagtangkahan ang buhay ng naturang punong barangay.

Samantala, natagpuan din ang katawan ng suspek na wala nang buhay malapit sa pinangyarihan ng insidente kung saan nakuha sa kaniyang pag-iingat ang dalawang magazine at14 na piraso ng bala cal. 45 na baril, cellphone pera at relo.

Habang narekober din ng mga otoridad ang 5 fired cartridge ng kalibre 45 na baril, 7 basyo ng bala at 2 fired slug ng kalibre 9mm na baril.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaril.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *