Pambato ng Albay sa national pageant, bumisita at humingi ng suporta sa Sangguniang Panlalawigan para sa nalalapit na kompetisyon

LEGAZPI CITY – Personal na bumisita at humingi ng suporta ang pambato ng Albay na si Jeanne Isabelle Bilasano sa mga Albayano, lalo na sa Sangguniang Panlalawigan para sa paparating nitong kompetisyon upang masungkit ang korona sa isang national pageant.

Matatandaan na ang kandidatang tubong bayan ng Malilipot ng kaparehong lalawigan ay nag-uwi ng korona sa Mutya ng Ibalong noong taong 2019 at nakilala na rin sa pagsali sa iba’t ibang beauty pageants.

Ayon sa kanya, bilang isang kandidata, hangad niyang mabigyang-karangalan ang lalawigan sa paraan ng kaniyang mga plano upang mas mapalago ang turismo sa lugar sakali mang siya ang mananalo.

Kasama pa rito ang plano niyang magsuot ng mga local fabrics sa mga magagarbong events na kaniyang lalahukan na produkto mismo mga local designers, kung saan binigyang-diin din ito ni Board Member Atty. Melissa Abadeza-Armedilla na magiging isa ito sa mga daan upang magkaisa at maramdaman ang suporta at presensya ng mga Albayano sa pinakahinihintay na laban.

Samantala, ipinaabot din ni Armedilla ang kanilang mensahe sa kandidata at sinigurong maaasahan niya ang suporta ng mga Albayano sa paparating na national pageant. | WENCY LISAY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *