Pamunuan ng VIWAD-Catanduanes, tinawag na “panggi-gipit” ang banta ng Provincial Government na kukumpiskahin ang kanilang ari-arian kung hindi pa mabayaran ang kanilang franchise tax

BICOL—”Lunod na lunod na nga, sasakalin pa.”

Iyan ang tahasang inihayag ni Virac Water District General Manager Gabriel Tejerero matapos matanggap ang final notice mula kay Catanduanes Provincial Treasurer – Marilou Vargas laman ang bantang pagkumpiska sa mga ari-arian at natitirang pondo ng VIWAD.

Ito’y kaugnay pa rin sa usapin ng umano’y, hindi nabayarang franchise taxes ng VIWAD sa pamahalaang panlalawigan mula pa noong 2013 na umabot na sa kabuuang P1.4-Million.

Ayon kay Tejerero, kulang na kulang na ang kanilang pondo para pagbantaan at gipitin pa ng probinsiya tungkol sakanilang franchise tax gayundin sa paghahanap ng pondo para sa pagsasaayos ng kanilang serbisyo.

Dagdag pa nito, nagbabayad na sila ng franchise tax sa national government at ngayon-ngayon na lamang nakarating sakanilang kaalaman na dapat din silang magbayad sa pamahalaang lokal.

Samantala, ayon naman sa ipinadalang sulat ng Provincial Treasury Office, kung hindi pa makakapagbayad ang VIWAD sa kanilang franchise tax ay mapipilitan silang kumuha ng “Warrant of Distraint and Levy” na magbibigay sakanila ng kapangyarihan na kumpiskahin ang pera sa bangko at mga ari-arian ng VIWAD bilang kabayaran.

Matatandaan na una nang ipinakiusap ni Tejerero sa Provincial Government na bigyan pa sila ng dalawang taong palugit upang mabayaran ang kanilang buwis sa prangkisa.##

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *