CAMARINES NORTE – Opisyal nang binuksan kahapon ang pangatlong taong paghahanda para sa Golden Jubilee celebration ng Diocese of Daet sa susunod na taon.
Maghapon ang ginawang programa na nagtapos sa Pontifical Concelebrated Mass na pinangunahan ni Bishop Rex Andrew Alarcon na dinaluhan ng mga kaparian, religious at layko mula sa iba’t- ibang parokya.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Bishop Alarcon na ang ikatlong taong paghahanda sa Golden Jubilee celebration ay nakatuon sa temang “We Share” o ang pagpapatuloy ng misyon kung saan isa sa ginawa ay ang pag revisit ng Parish Pastoral Council Constitution.
Nagsimula ang 3- year preparation noong 2021 na may temang “We Remember” na sumentro sa pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng Diocese sa nakalipas na mga taon at noong 2022 naman ay ang taon ng renewal na may temang “We Renew”.
Sa kabila ng mga pagsubok sinabi ni Alarcon na malayo na rin ang narating ng Diocese of Daet.
Ang direksyon umano ngayon ng Diocese ay naka- align sa universal church kung saan kabilang sa prioridad ay ang patuloy na pagmimisyon at inter- religious dialogue.
Ang Diocese of Daet ay itinatag noong September 1, 1974 sa bisa ng Apostolic Constitution “Requirit Maximopere” ni Pope Paul VI na naghiwalay dito sa Archdiocese ng Caceres.
