Pangulong Duterte, nagbanta na ipabibigti si ex-DFA chief Albert Del Rosario

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipabibigti niya si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario matapos siyang himukin nito na tumindig laban sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa Pangulo, nawala umano mula sa Pilipinas ang Scarborough Shoal nang paatrasin ng dating kalihim ang mga barko ng Pilipinas mula sa lugar, sa gitna ng standoff nito laban sa Chinese ships noong 2012.

Kinwestyon rin ng Punong Ehekutibo kung humingi ba si Del Rosario noon ng permiso sa dating pangulo para paatrasin ang mga barko mula sa Scarborough Shoal.

Ipinunto ng Pangulo na balang araw ay kailangan ni Del Rosario na sagutin ang mga nasabing alegasyon.

Kung maalala ay sinabi ni Del Rosario na ang US ang nag-broker ng kasunduan sa katapusan ng 2012 standoff kung saan ay nagkasundo sila na paalisin ang kanilang mga barko mula sa lugar.

Gayunman, nilinlang ng Beijing ang kasunduan, at mas piniling panatilihin doon ang kanilang 30 o higit pang mga barko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *