Walang nakikitang mali si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa pangungutang ng gobyerno basta ilalaan naman ito sa “productive use”.
Sa isang vlog ni Senator Francis Tolentino, sinabi ni Pangandaman na napilitang mangutang ng gobyerno noong kasagsagan ng pandemya dahil sa kokonting kita kaya tumaas ang debt-to Gross Domestic Product o GDP ng bansa.

Dahil naman sa limitadong fiscal space ng bansa, walang ibang pagpipilian ang gobyerno kundi ang manghiram ng pera at tiyakin na ang hakbang na ito ay magdaragdag ng potensyal na kita sa pamahalaan.
Binigyang-diin naman ni Pangandaman na sa ilalim ng 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework o MTFF ng administrasyong Marcos, target na mapababa ang debt- to GDP ratio sa 60% pagsapit ng taong 2025, at mabawasan ang deficit to GDP ratio sa 3% sa taong 2028.