Panibagong surge ng COVID-19 cases, pinangangambahan matapos ang detection ng Omicron BA.4

Nagbabala ang National Task Force against COVID-19 sa posibleng muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 matapos ang kumpirmadong Omicron BA.4 subvariant sa bansa.

Mababatid na kamakalawa nang ma-detect ng Department of Health ang kauna-unahang kaso ng BA.4 sa bansa. Isa itong Pilipino na nagmula sa Middle East at dumating sa bansa noong May 4.

Ayon kay NTF adviser Dr. Ted Herbosa, ikinababahalang mapupunong muli ang mga ospital dahil mabilis makahawa ang variant na ito.

Aniya, bagamat hindi ito fatal kagaya ng Delta variant, lumabas sa pag-aaral na mas mabilis kumalat ang variant na ito kaya isa itong banta para sa mga immunocompromised.

Una nang inilarawan ng European CDC ang Omicron BA.4 subvariant bilang ‘variant of concern’ dahil sa mabilis transmission nito.

Sa ngayon, nagpaalala ang DOH sa publiko na patuloy pa ring sumunod sa mga ipinatutupad na minimum health standards para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Minomonitor din sa ngayon ng health officials ang mga kaso ng ‘long covid’ o ‘yung mga pasyenteng nakararanas ng pang-matagalang epekto ng sintomas nito kahit na gumaling na mula sa virus.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.