Parlade at Badoy, pinagbabawalan nang magsalita kaugnay sa community pantry

Kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na binigyan ng gag order sina National Task Force to End Local Communist Armed Conflict spokespersons LtGen Antonio Parlade at Communications Undersecretary Lorraine Badoy, laban sa pagbibigay ng mga pahayag kaugnay sa community pantries.

Kaugnay nito, nilinaw ni Esperon na sina Parlade at Badoy ay hindi tutol sa bayanihan o community pantries, pero sila ay pinagbabawalang magbigay ng pahayag kaugnay dito.

Ayon sa opisyal, ang NTF- ELCAC ay susuporta, mag-oobserba at mag-aassist sa mga CPs, tulad umano sa buong gobyerno.

Una nang sinabi ni Esperon na hindi nila dini-discourage ang mga organizers ng community pantries at iba pang aktibidad na nagpapakita ng bayanihan spirit sa gitna ng pandemya at itinangging nagsasagawa ang mga security agencies ng profiling sa mga taong nasa likod ng popular na food-sharing initiative.

Matatandaan na umani ng batikos si Parlade, matapos amining nagsasagawa sila ng background checks sa mga organizers ng community pantries, kabilang na sa mga leftist groups na posibleng nagsasagawa ng propaganda sa pamamagitan ng naturang inisyatibo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *