Pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadon paaralan sa Sorsogon, kanselado dahil sa bagyong Amang

Kanselado mula kahapon ng hapon hanggang ngayong araw, Abril 12, ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan.  

Ang kanselasyon ay dahil sa inaasahang sama ng panahon na maaring maranasan dulot ng bagyong Amang kung saan ang Tropical Storm Wind Signal (TCWS)  Number 1 ay nakataas na sa lalawigan batay na rin sa inilabas na Tropical Cyclone Bulletin No. 2  ng PAGASA kahapon ng alas 11 ng tanghali.

Sa inilabas na Executive Order NO. 29 series of 2023 ng Sorsogon City Government at pirmado ng alkalde, ang suspensyon ng klase ay mananatili hangga’t ang probinsya ay nasa ilalim ng anumang tropical wind signal upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa ngayon ay nanatiling nasa ilalim ng Tropical Storm Wind Signal Number 1 ang lalawigan kung saan batay sa Tropical Cyclone Bulletin No. 6 na inisyu ng Pagasa kaninang alas 5 ng umaga, ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa 35 km Kanluran Timog-kanluran ng Virac, Catanduanes at patuloy na kumikilos pakanluran sa bilis na 15 km/h.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 km/h.

Ilan pa sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal 1 ang Catanduanes, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Ticao Island, Burias Island, the eastern portion of Laguna (San Pablo City, Rizal, Nagcarlan, Pila, Liliw, Magdalena, Majayjay, Luisiana, Cavinti, Pagsanjan, Santa Cruz, Lumban , Kalayaan, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Famy, Santa Maria, Mabitac), Aurora, Quezon, and the eastern portion of Rizal (Tanay, Pililla, Jala-Jala).

Samantala, dahil pa rin sa bagyo ay suspendido na din simula kahapon ng alas 11:00 ng umaga ang biyahe ng lahat ng mga sasakyang pandagat na manggagaling at papasok sa lalawigan.

Batay sa Sea Travel Advisory na inilabas ng Philippine Coast Guard Sorsogon ay pinagbabawalan din ang maliliit na bangka gayundin ang mga bangkang pangisda na pumalaot dahil sa posibleng panganib.

Kaugnay nito pinapayuhan ang lahat ng mga biyahero na ipagpaliban na muna ang pagbiyahe upang hindi ma-stranded sa mga pantalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *