PBBM naniniwalang hindi basta mapuputol ang bilateral relations ng Pilipinas at Amerika

Malugod na tinanggap ni President Ferdinand Bongbong Marcos si US Secretary of State Antony Blinken kasabay ng pagbisita nito sa Malacañang ngayong umaga.

Sa ginanap na pulong, pinasalamatan ni Blinken si Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya sa Palasyo sa kabila umano ng pagiging abala nito.

Inihayag naman ni Blinken kay Marcos na ang ugnayan ng America at Pilipinas ay maituturing na ‘extraordinary’ dahil ito umano ay nag-ugat sa pagiging magkaibigan.

Pinagtibay din ayon kay Blinken ang ugnayan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng magandang partnership at pinatatag ng pagiging magka-alyansa nito.

Naniniwala din ang US government official na mas magiging matatag pa ang samahan ng Pilipinas at America lalo sa aspeto ng ekonomiya.

Nabanggit din ni Blinken sa Pangulo ang mas matatag na mutual defense treaty at ang mga hakbang para mas lumalim ang bilateral relations ng bansa at Estados Unidos.

Ibinahagi rin ni Marcos kay Blinken ang kanyang pananaw sa ilang mga isyu kabilang na ang kontrobersiyal na pagbisita ni House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan at mga kalapit na bansa.

Ayon kay Marcos bagama’t hindi siya naniniwala na tumaas ang tensiyon sa asia pacific region, ipinakita lang nito ang intensity ng matagal ng hidwaan sa lugar.

Sa kabila nito, nasanay na umano ang Pilipinas ayon kay Marcos sa ganitong sitwasyon at mas pinipili nang bansa na isantabi na lamang ito.

Sa huli binigyan diin ng Pangulong ang importansiya ng magandang relasyon sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.

Umaasa umano si Marcos na magpapatuloy ang maayos na ugnayan ng dalawang bansa sa gitna ng mga nararanasang pagbabago sa bilateral relationship nito sa US.

Binanggit din ng Punong ehekutibo kay Blinken ang mga tulong at suporta na ibinibigay ng Amerika sa Pilipinas simula pa noong mga nagdaang panahon.

Naniniwala si Marcos na hindi basta-basta mapuputol ang ugnayan ng dalawang bansa dahil sa special relationship na mayroon ang US at Pilipinas na pinagtibay ng mga pinagdaanan nito sa kaysasayan.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.