Inaasahan na ng Philippine Cost Guard (PCG) ang posibleng pagresbak ng China sa mga inalis na floating barriers na inilatag nito sa karagatang sakop ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Sa panayam ng Brigada News FM kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, sinabi nito na nananatiling alerto ang kanilang hanay at walang takot na kakaharapin ang mga gagawing aksyon ng China sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ni Tarriela, kailangan ng manindigan para West Philippine Sea at hindi na sila papayag sa pambu-bully na ginagawa ng China kahit mas lumala pa ito sa mga naunang panghaharang na ginawa ng naturang bansa.
Una na namang sinabi ng PCG na balak ng kasalukuyang administrasyon na makapasok sa lagoon ng Scarborough Shoal matapos ang nangyaring paglalagay ng floating barrier ng China sa WPS para magkaroon ng kontrol sa lugar.