Peak ng COVID-19 cases, posibleng naabot na sa NCR – OCTA

Posibleng naabot na ng National Capital Region ang peak o rurok ng covid-19 cases.

Ayon kay OCTA Research Team fellow Dr. Guido David, ito ay matapos na bumaba pa sa 1.22 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng covid-19 habang bumaba na rin sa 24 percent ang positivity rate sa Metro Manila.

Paliwanag ni Dr. David, kung pagbabatayan ang nakalipas na 7-day average new covid-19 cases ay nagsimula nang bumaba ang positivity rate sa NCR.

Kapag nagpatuloy aniya ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng covid-19 ay maituturing ng peak ang naitalang 9,000 cases noong nakaraang linggo.

Sa kabila nito, sinabi ni David na kailangan pa nilang hintayin ang ilan pang araw bago kumpirmahin nila na naabot na ng NCR ang peak ng covid-19 cases dahil meron pang mga backlogs.

Sinabi naman ng OCTA Research na kailangan pa ring ipagpatuloy ang mga ginagawang pag-iingat laban sa covid-19 dahil posibleng tumaas muli nito kung magpapabaya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *