PENRO-LGU, ipinapasara ang dinadaanan ng mga trucks na kumukuha ng aggregates mula sa illegal quarry sa Cawayan river

Kasalukuyan umanong naghihintay ng ordinansa mula sa Sangguniang Panlalawigan ang Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO ng Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon para sa pagpapasara ng mga dinadaanan ng mga trucks na kumukuha ng mga construction aggregates tulad ng mga bato at buhangin mula sa illegal quarry sa Cawayan River sa Lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Daniel Jazmin III, Assistant Department Head ng PENRO-LGU, mga manual gatherer o mga inidbidwal na mano-manong kumukuha ng mga construction aggregates ang sangkot sa illegal quarry sa nasabing ilog.

Ito umano ang kanilang mahigpit na binabantayan hindi lamang sa mga ilog sa Lungsod ng Sorsogon, maging sa buong Lalalwigan.

Marami na umano silang nahuhuli na mga malalaking construction company at mga contractors at pinagmulta sa mga paglabag nito.

Ayon pa kay Jazmin, mahigpit ang batas na nagbabawal ng pag quarry sa loob ng isang kilometro mula sa water reservoir, tulay at mga government infrastructures na posibleng mag dulot ng pagkasira ng mga ito.

Hindi rin umano sila nagbibigay ng permit sa mga walang clearance mula sa Department of Public Works and Highways o DPWH para sa mga malapit sa tulay at mula sa National Irrigation Administration o NIA para naman sa mga malalapit sa irigasyon.  

Sa ngayon, merong communal permit na ibinibigay sa mga manual gatherer na recognized ng mga barangay upang mamonitor ang mga ito at masiguro na puwede silang kumuha ng mga aggregates sa mga pinahihintulutan na quarry areas lamang.

Aminado naman si Jazmin na kulang sila sa tao na makapagbabantay sa mga ilog, dahil sa kasalukuyan, tanging apat lamang ang kanilang tauhan na nagmomonitor sa unang distrito at apat rin sa pangalawang distrito ng lalawigan.

Bagamat pinapaikutan umano nila ang Cawayan river, nakakalusot pa rin  ang mga ito dahil kadalasan ay madaling araw ipinapalabas ang mga construction aggregates.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *