PGA at UNDP, lumagda na sa MOU ukol sa SHIELD program

LEGAZPI CITY – Pinirmahan na kahapon ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay sa pangunguna ni Gov. Atty. Edcel Grex Lagman at United Nations Development Program Country Deputy Resident Representative Edwin Carrie patungkol sa Strengthening Institutions and Empowering Localities Against Disasters and Climate Change (SHIELD) Program sa loob ng anim na taon. 

Sa isang press conference, sinabi ni Carrie, pinili ang Albay bilang isa sa mga lalawigan na magiging recipient ng nasabing programa dahil nangunguna ito sa larangan ng disaster risk reduction management at climate change adaptation.

Dagdag pa nito, marami umanong parangal at pagkilala ang natanggap nito sa loob at labas ng bansa, kaya’t napabilang ito sa nasabing programa.

Maliban pa rito, napanatili rin mayroong mga kalamidad tulad ng bagyo.

Kabilang sa mga isasagawa ay pagbubuo ng mga hakbang na may kinalaman sa sakuna o climate change sa pamamagitan ng pagpopondo at pagpapatupad ng mga aksyon; pagbuo ng mga panukalang proyektong  nauugnay sa klima at sakuna; pagtatatag multi-stakeholder partnership para sa pagpaplano, pagpopondo, pagpapatupad, pagsubaybay at pagsusuri ng mga aksyon, at marami pang iba.

Samantala, sinabi rin ni UNDP SHIELD Program Manager, Maria Victoria de Guzman, tanging ang Albay lamang ang kaisa-isang resipiente ng programa sa Bicol Region, habang kasama naman nito ang ilang mga lugar sa Luzon partikular ang Cagayan, Pampanga, Pangasinan, at Quezon; sa Visayas naman ay ang Northern at Eastern Samar; at sa Mindanao ay ang Agusan del Sur, Agusan del Norte, Davao Oriental, gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao at ang Metro Manila.

Umaabot naman sa 18 million US dollar na pondo ang inilaan ng Australian government para sa nabanggit na programa sa loob ng anim na taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *