LEGAZPI CITY – Tiwala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay sa malawakang immunization at vaccination programs ng lalawigan dahil sa bagong walk-in chiller na donasyon ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).
Kasunod ito ng pag-donate ng UNICEF ng COVAX Cold Equipment (CCE), Walk-in chiller cold room at 20 KVA generator Set na nakabase sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital (JBDAPH).
Ang nasabing walk-in chiller cold room ay kayang mag stock ng hanggang 4,920 litro ng bakuna o 190,000 vials.
Kabilang sa mga nakatakdang ilagay dito ay ang mga COVID-19 vaccines at National Immunization Program Vaccines ng Provincial Health Office (PHO).
Ayon naman kay Albay governor Atty. Edcel Greco Lagman, malaking tulong umano ang bagong donasyon na ito para matiyak ang mas matagal na buhay ng mga bakuna.
Hinikayat ng gobernador ang bawat magulang na samantalahin na mabakunahan ang kanilang mga anak laban sa iba’t-ibang sakit.