Nakakuha ang Pilipinas ng $18.4 billion o halos P886.5 billion sa foreign loans para mapalakas ang kanilang “war chest” para matugunan ang nagpapatuloy na krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon kay DOF Undersecretary Mark Dennis Joven, ang naturang halaga ay mula sa lahat ng foreign loans na kinabibilangan ng bilateral, multilateral, at commercial sources.
Mula dito, $16.26 billion ay para sa budget support, na nangangahulugan bilang tulong sa national budget na gagastusin para sa lahat ng regular programs sa ilalim ng national budget, habang ang $2.14 ay para sa project financing na ibig sabihin naman ay humiram ang pamahalaan ng pera para sa partikular na proyekto.
Kaugnay nito, ang $16.26-billion budget support loan ay kinabibilangan ng $6.93 billion mula sa multilateral sources gaya ng Asian Development Bank, World Bank, at Asian Infrastructure Investment Bank, habang ang $1.32 billion ay nakuha sa pamamagitan ng bilateral sources gaya ng Japan, Korea, at France.
Dagdag ni Joven, para sa commercial sources, nasa $8 billion ang nakuha mula sa fund-raising efforts ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbebenta ng foreign currency-denominated bonds.