Philhealth Bicol nilinaw na 1% lang ang idadagdag sa kanilang premium rate ngayong taon

SORSOGON CITY – Isang porsiyento lamang ang idadagdag sa premium rate ng Philhealth ngayong taon.
Ito ang binigyang linaw ni Philhealth-Bicol Regional Vice President Henry Almanon sa ginanap na face-to-face Media Forum sa lalawigan ng Sorsogon kahapon kaugnay sa implementasyon ng 4% premium rate contribution at 80,000 Ceiling Amount for CY 2020.
Ayon sa opisyal, hindi nagpatupad ng 4% premium increase ang Philhealth ngayong CY 2022, bagkus ay inadjust lang ang premium rate mula sa 3% kasalukuyang ipinapatupad ng ahensya sa 4% na premium rate.
Ibig umanong sabihin, isang porsiyento (1%) lamang ang idadagdag nila sa premium rate ngayong taon.
Samantala, sa nasabi ring aktibidad ay inilatag ng mga opisyal ng Philhealth-Bicol sa lahat ng kanilang mga miyembro at stakeholders ang mga benefit package at services na maaavail sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).
Naroon sa aktibidad na ginanap sa Casa Dominga, Balogo, Sorsogon City ang ilang mga opisyal ng ahensya gayundin ang iba’t ibang mga media outlet sa lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.