Philippine beauty queens, nagpahayag ng suporta para kay Rabiya

Nagpahayag ng suporta para kay Miss Philippines Rabiya Mateo ang ilan sa mga kilalang personalidad sa larangan ng pageantry, kabilang na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Ito ay matapos ganapin ang national costume competition ng Miss Universe sa Hollywood, Florida.

Sa Instagram, ay nagkomento si Wurtzbach sa post ni Rabiya kung saan ay makikita ang litrato nito na rumarampa habang suot ang kanyang Philippine flag inspired costume.

Sinabi ni Wurtzbach sa kanyang komento na sana ay maramdaman ni Rabiya ang suporta at pagmamahal ng mga Pilipino kahit gaano pa ito kalayo mula sa bansa.

“Hingang malalim at laban ulit!” naman ang naging payo ni Miss Grand International first runner-up Samantha Bernardo para kay Rabiya na tinawag niya bilang “queen”.

Mababasa naman sa komento ni Miss Supranational 2013 Mutya Datul ang “raise your flag, our queen has arrived! Mabuhay ang Pilipinas!”

Nagpaabot rin ng pagsuporta kay Rabiya ang mga dating Miss Universe Philippines na sina MJ Lastimosa at Maxine Medina.

Matatandaan na naging emosyonal si Rabiya sa kanyang paghingi ng tawad sa mga fans nito na ayon sa kanya ay nadismaya sa performance niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *