Philippine Red Cross, magpapadala ng mga water tankers sa mga evacuation centers sa Albay kaugnay ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon

LEGAZPI CITY – Nakatakdang magpadala ng ilang water tankers ang Philippine Red Cross National Headquarters sa lalawigan ng Albay na magagamit sa mga evacuation centers dahil pa rin sa nagpapatuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Philippine Red Cross Albay head Rose Rivero, ayaw na nilang maulit pa ang sitwasyon ng pagputok ng bulkan noong taong 2018, kung saan problema sa tubig ang isa sa mga kinaharap ng mga evacuees.

Sakali man umanong dumating na ang limang water tankers na mayroong water filtration units, ilalagay ito sa mga lugar na higit na nangangailangan ng tubig.

Maliban pa rito, magpapadala rin ang kanilang tanggapan ng humanitarian caravan for Mayon response.

Sinabi pa ni Rivero na simula kahapon, kasama sila sa mga tumulong na mailikas ang libu-libong mga residenteng nakatira malapit sa 6 kilometer permanent dander zone ng bulkan.

Dahil na rin sa posibilidad na tataas pa ang bilang ng ililikas, inihahanda na rin nila ang kanilang hot meal vans o food trucks na idi-deploy upang makapagbigay ng mga bagong lutong pagkain sa mga evacuees.

Sa hanay naman ng Pamahalaang Panlalawigan, sa isinagawang pagpupulong na dinaluhan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sinabi ni Gov. Edcel “Grex” Lagman na magpu-purchase sila ng potable water.

Pagtitiyal naman ni Lagman na kanilang pinag-aaralan at pinag-uusapan ang mga prayoridad na paglaanan ng pondo sa loob ng tatlong buwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *