ZAMBALES-Aprubado na sa pangalawang pagbasa ang panukalang batas sa kongreso para sa pagkakaroon ng Philippine Virology Science and Technology Institute sa bansa.
Ito ay para magamit sa pagtuklas ng mga gamot laban sa anumang virus na maaring makasama sa kalusugan ng tao lalo na sa mga panahon ngayon na laganap ang corona virus at mga variants nito.
Ayon kay Zambales 2nd District Cong. Cheryl Deloso-Montalla, ito ay magiging isang research institute na mangunguna sa pagbabalangkas ng virology research agenda, makikipag-ugnayan sa mga eksperto at mag-aaral ng viruses mula sa halaman at hayop na may posibilidad na malipat sa tao.
Maaari ring gumawa ng bakuna para mapigilan ang posibleng virus transmission para hindi na umasa pa ang Pilipinas sa ibang bansa.
Sa pamamagitan aniya nito ay magkakaroon ng lead agency na magsasabi kung paano masusugpo o maiiwasan ang isang virus.
Isa pa ay hindi na kailangan pang mangibang bansa ng mga mahuhusay na Filipino scientist kapag ito ay ganap nang naisabatas at maitatag sa bansa.//Jen Bayot-BNFM OLONGAPO
Photo Courtesy: Cheryl Deloso-Montalla