Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHILPOST) na may mga salik o factors din na nakakaapekto sa kanilang panig pagdating sa distribusyon ng mga national IDs o PHILSYS ID.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Seneca Moral, PHILPOST Cluster Supervisor of Sub-Distribution Center ng Legazpi City, sinabi niyang nagkakaroon din ng delay sa pagdedeliver ng mga IDs sa mga lugar dahil sa ilang mga salik kung saan kabilang ditto ang connectivity.
Katunayan nito, nitong nakaraang tatlong araw umano ay nawalan sila ng connectivity kung kaya hindi nila ito naproseso at ang proseso nito ay nakadepende rin sa connectivity dahil nasa system umano ito.
Subalit kung wala naman silang nararanasang problema tulad ng connectivity, napoproseso at nadedeliver naman ito sa loob ng isang araw dahil mayroon naman, aniya, silang sasakyan na maaaring pumunta sa iba’t ibang mga lugar.
Dagdag pa niya, isa rin sa mga dahilan kung bakit natatagalang matanggap ng mga kliyente ang kanilang mga national IDs ay dahil may iba sa kanila na nakatira sa mga far-flung barangays at ang mga kartero rin ay nahihirapang puntahan ang nasabing mga lugar kung kaya’t inaabot din ito ng halos magsasampung araw.