CAMARINES NORTE- Natambakan ngayon ng mga ide-deliver na National ID ang Philippine Postal Corporation o PhilPost Office sa Daet na inaabot ng mahigit isang buwan bago mai-deliver sa may ari.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet aminado si Postmaster IV Henry Ubana na ang kakulangan nila sa tauhan at ang lawak ng coverage area ang nagpapatagal ng delivery.
Aminado si Ubana na dapat sa loob ng isang buwan pagkaraang matanggap sa Philpost Daet ang mga ID cards ay mai- deliver na ito sa may ari.
Pero dahil sa kakulangan ng mga kartero, lawak at layo ng mga Barangay ay talagang natatagalan ang pag- deliver.
Ang area of coverage ng Philpost Daet ay ang San Vicente, San Lorenzo Ruiz, Basud at Mercedes.
Ani Ubana kung Daet lang sana aniya ay hindi gaanong problema pero may malalayong Barangay sa Basud, San Lorenzo Ruiz at Mercedes.
Kahit umano mag- overtime ng Sabado at Linggo maging holiday ay hindi rin kakayanin ng mga Kartero dahil kailangan rin naman ng mga itong magpahinga.
Pahirapan pa umano kapag hindi kumpleto ang address lalo na sa mga kabataan na hindi kilala sa kanilang Barangay.
Kaya naman nakikipag ugnayan na rin umano sila sa Barangay para makatuwang sa pag–deliver ng national ID.
Nagkakaroon umano sila ng schedule ng pag deliver ng mga ID lalo na sa mga malalayong barangay para isahang distribution lang.
Pinaalalahanan rin ni Ubana ang mga personal nang nagtutungo sa opisina para mag claim ng ID na dalhin ang transaction slip.
