Phivolcs nilinaw na walang indikasyon ng “major eruption with magma” ang Bulkang Bulusan

SORSOGON CITY—Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na wala silang nakikitang indikasyon ng “major euption with magma” sa Bulkang Bulusan.

Pahayag ito ni Ma. Antonia Bornas ng Phivolcs sa ipinatawag na pulong ni Governor Chiz Escudero sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kagabi.

Paliwanag ni Bornas, phreatic o steam driven eruption pa rin ang nakikita nilang posibleng maganap sakaling muling pumutok ang bulkan.

Una rito ay naobserbahan ang pagtaas ng volcanic activity ng Bulkang Bulusan matapos na magtala ng 149 na pagyanig na siyang pinakamataas sa nagdaang apat na araw mula nang magbuga ito ng abo noong Linggo.

Bunsod nito ay ipinatupad kahapon ang preemptive evacuation sa mga residente ng Barangay Puting Sapa sa bayan ng Juban kung saan aabot sa 400 indibidwal ang inilikas at ngayon ay nananatili sa Juban evacuation center at Juban gymnasium.

Siniguro naman ng pamahalaang panlalawigan ang tuloy tuloy na suporta sa mga apektadong residente katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan habang nananatili namang nakaalerto ang lahat ng unit ng PDRRMO at mga katuwang na ahensya sa disaster response.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *