Phivolcs walang nakikitang indikasyon ng magmatic eruption sa Bulkang Bulusan

SORSOGON CITY–Walang nakikitang indikasyon ang Phivolcs para sa posibilidad ng pagkakaroon ng magmatic eruption sa Bulkang Bulusan.


Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon kay Phivolcs Director at DOST Undersecretary Renato Solidum, inihayag nito na nangyayari ang magmatic eruption kapag mayroong umaakyat na magma mula sa ilalim ng bulkan.


Sa ngayon anya, wala silang nakikitang ebidensya na mayroong umaakyat na magma na maaaring magdulot ng mas malakas na pagsabog.


Sa ugali anya ng Bulkang Bulusan, nagkakaroon ng pagkulo ng tubig sa ilalim o hydrothermal activity at kapag naipon ang usok ay nagkakaroon ng pressure kaya nagaganap ang mga phreatic eruption.


Bunsod nito, mas mainam umano kung dahan dahang lumalabas ang usok o nakakasingaw ang bulkan.


..pag nagpapakulo ng tubig minsan naiipon yung usok tapos umaalpas tapos magpapahinga, ganyan po ang character ng Bulusan,” ani Solidum.


Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng opisyal ang publiko hinggil sa kahalagahan ng distansya mula sa bulkan tuwing nagaganap ang phreatic eruption.


Dapat anya ay nasa labas ng 4km Permanent Danger Zone (PDZ) kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok dito ngayong nasa abnormal na kondisyon ang bulkan.###

Leave a Reply

Your email address will not be published.