PHO puspusan ang paghahanda para sa gagawing 3-day national vaccination, karagdagang bakuna dumating sa lalawigan

CAMARINES NORTE- Puspusan ngayon ang ginagawang paghahanda ng Provincial Health Office (PHO) para sa gagawing 3-day national vaccination na magsisimula sa November  29 hanggang December 1 na tinawag na Bayanihan Bakunahan.

Kahapon ay may dumating na karagdagang Pfizer COVID- 19 vaccine na gagamitin sa tatlong araw na pagbabakuna lalo na para sa pediatric population.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet, sinabi ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na bilang paghahanda sa malakihang bakunahan ay nagkaroon na sila ng pagpupulong kasama ang iba’t- ibang eskwelahan, ospital, Municipal Health Offices, Philippine Nurses Association at iba pang mga organisasyon na kanilang makakatuwang.

Aniya, sa loob ng tatlong araw ay nakatuon lang ang pansin ng mga Rural Health Unit at iba pang pasilidad sa COVID- 19 vaccination.

Target ng rehiyon na makapagbakuna ng 1.2 milyong katao sa loob ng tatlong araw at pipilitin umano ng probinsiya na makadagdag sa bilang ng babakunahan.

“Walang gagawin ang ating mga RHU and other facilities dito sa tatlong araw na ito at tayo po’y magbabakuna lamang ng COVID- 19, para ma -attain natin yung gustong ma- attain ng Bicol region na 1. 2 million in that span of 3 days,”ani Francisco.

Sa ngayon ay umaabot na sa 223, 000 ang nabakunahan sa lalawigan ng Camarines Norte o kalahati na ng target na mahigit 440, 000 para maabot ang herd immunity.

Ayon kay Francisco kung magpapatuloy ang pagdating ng mas maraming bakuna ay posible umanong maabot na ang herd immunity sa lalawigan bago matapos ang taon.

May possibility lumampas tayo kahit siguro mga 70 % baka maabot natin yan, ang sinasabi ko lang dapat ang suplay ay nandirito sa atin para maibigay rin natin, alam mo naman ang isa sa mga kadahilanan bakit ayaw magpabakuna sapagkat yung preference of vaccine ano, so yun po yung isa sa advocacy namin na dapat namin talagang ipaliwanag sa kanila ng mahusay.”

Hinimok rin ni Francisco ang mga hindi pa nababakunahan na makipag ugnayan sa kani- kanilang RHU at maging sa Camarines Norte Provincial Hospital para makasama sa mga babakunahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *