Pilipinas, nagtala ng bagong daily COVID-19 vaccination record

Nalampasan ng Pilipinas ang pinakamataas nitong daily COVID-19 vaccinations sa ikalawang sunod ng pagkakataon ngayong linggo.

Nangyari ito sa parehong araw na hindi na mahulugan ng karayom ang dami ng mga tao na nagdagsaan sa mga inoculation sites sa Metro Manila.

Bago kasi ang implementasyon ng enhanced community quarantine nitong August 6 ay umasa ang libo-libong mga tao na mababakunahan sila kontra COVID-19 sa iba’t-ibang mga lungsod sa Metro Manila.

Makikita sa maraming litrato at video na kumalat sa social media ang sitwasyon sa inoculation sites kung saan ay hindi na nasusunod ang social distancing measures dahil sa dami ng mga tao sa pila.

Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon na sa parehong araw ay nagawa ng mga otoridad na makapag-administer ng 710,418 shots, na pinakabagong single-day record-high.

Ipinunto niya na nalamapasan nito ang lumang record noong Martes na 702,013 shots.

Base naman sa presentation ni Dizon ay nagawa na ng Pilipinas na makapagturok ng mahigit 23.19-million COVID-19 shots kabilang na ang mahigit 12.49-million first doses at mahigit 10.70-million second doses.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *