Ikinalungkot ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang pagtukoy ng United States Department of Agriculture sa Pilipinas bilang bagong top rice importer sa mundo.

Ayon kay Lee, ito ang realidad lalo’t hindi sapat ang produksyon sa Pilipinas kaya nag-aangkat ng bigas.
Kailangan na aniyang palawakin at ipamahagi sa tamang oras ang subsidiya para sa mga magsasaka nang sa gayon ay dumami ang rice production.
Kumpiyansa naman ang kongresista na gagawa ng paraan si Pangulong Bongbong Marcos hinggil dito dahil una na nitong sinabi na prayoridad ang agriculture sector.
Sa ulat ng USDA, naungusan na ng Pilipinas ang China bilang number one rice importer sa mundo.
Batay sa taya ng USDA, mag-aangkat ang Pilipinas ng pinakamalaking volume ng bigas na aabot sa 3.8 million metric tons sa trade year 2023-2024.