Pinsala ng smog sa agrikultura at palaisdaan sa mga bayang malapit sa Bulkang Taal, umabot na sa mahigit P24 milyon

Umaabot na sa mahigit P24 million ang halaga ng naging pinsala ng volcanic smog o vog sa agrikultura partikular sa mga palaisdaan sa ilang bayan dito sa Batangas na malapit sa bulkang Taal.

Ayon sa Provincial Agriculture Office, pinakaapektado ng volcanic smog ang mga bayan ng Laurel, Talisay at Agoncillo.

Tiniyak naman ni Provincial Agriculturist Rodrigo Bautista na mayroong ibibigay na assistance ang pamahalaang panlalawigan sa mga residenteng naapektuhan ang pangkabuhayan kagaya ng mga pananim.

Samantala, bukod sa epekto sa agrikultura ng volcanic smog, maraming mga residente na rin sa mga nasabing bayan ang nakakaranas ng pananakit ng lalamunan at pananakit ng mata dahil sa smog.

Nauna nang sinabi ng PHIVOLCS na ang volcanic smog ay “acidic” na maaaring magdulot ng pagkairita ng mga mata, lalamunan, at ilong

Ayon sa PHIVOLCS, pinakamaraming ibinugang sulfur dioxide ang Taal Volcano noong Lunes kung saan umabot ito sa 14, 326 tonelada, mataas ito kumpara noong Linggo na nasa 4,771 tonelada lamang at kahapon na nasa 8,982 tonelada lamang.

Sinabi ng PHIVOLCS na nagkakaroon ng smog dahil sa mahina ang hangin na nararanasan at ang humidity ay mataas kung saan hindi raw talaga basta ganun tataas ang gas.

Kahapon ay ilang mga residente sa bayan ng Talisay ang nagpadala ng video na hindi matanaw ang bulkang Taal maging ang lawa ay zero visibility rin.

Samantala, nilinaw namanng PHIVOLCS na base sa kanilang mas malalim na pag-aaral ay noon pang Lunes at kahapon ay umabot na sa Metro Manila at ilang pang karatig probinsya ang vog o volcanic smog.

Base sa impormasyon, noong Lunes, umabot sa Metro Manila, Pampanga at Zambales ang sulfur dioxide habang kahapon naman ay umabot na ito hanggang Benguet at iba pang probinsya sa Northern Luzon.

Samantala, patuloy naman ang paaalala ng PHIVOLCS sa lahat ng mga residente sa mga lugar na nakakaranas ngayon smog na magsuot lagi ng N95 facemask.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *