Planong pagpapapasok ng TNVS sa Sorsogon ikinadismaya ng transport group

SORSOGON CITY – Dismayado ang Sorsogon Integrated Transport Federation (SORINTRAFED) sa memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Bicol na pagbibigay ng 50 slots para sa pagpasok ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) sa lungsod ng Sorsogon.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Ramon Dealca, presidente ng SORINTRAFED, sinabi nito na malaking pasakit na naman ito sa mga jeepney drivers dahil tiyak na magiging kompetensya na naman nila ito pagdating sa mga pasahero.
Anya, mataas na nga ang presyo ng krudo ay mababawasan pa ang bilang ng mga pasaherong kanilang maisasakay.
Hiling ng grupo, personal nilang makaharap ang kinatawan ng TNVS upang maging malinaw ang magiging sistema nito at hihilingin na rin nila na kung maaari ay sila na lamang ang payagang mamasada sa ilalim ng bagong sistema.
Handa umano silang bumuo ng grupo o kooperatiba para makapag apply gamit ang mga unit ng sasakyan na pinapayagan sa ilalim ng TNVS.
Ang TNVS ay isang application na maihahalintulad sa Grab na maaaring kontakin ng sinumang pasahero upang arkilahin at maihatid sila sa kanilang mga destinasyon saan man sa lalawigan.###

Leave a Reply

Your email address will not be published.