PNP, AFP – umaasang magkakaroon ng ‘bukas na pananaw’ sa kapayapaan ang bagong CPP chair

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda pa rin ang kanilang hanay para sa kahit na anong mga opensiba na magmumula sa mga rebelde.

Ito ang sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, kasabay ng paggunita ng ika-54 na anibesaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sa panayam, sinabi ni Fajardo na tuloy ang kanilang monitoring, at intelligence gathering katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ngayon, wala pa raw silang namo-monitor at natatanggap na mga credible threats mula sa mga rebeldeng grupo, at kumpiyansa rin silang hindi sila malulusutan.

Nagdagdag na rin anila sila ng deployment mula sa Special Action Force (SAF) sa ilang mga PNP police stations na vulnerable mula sa mga pag-atake.

Sa huli, bagamat mayroon na umano silang nakikitang posibleng pumalit sa pumanaw na founder ng CPP na si Jose Maria ‘Joma’ Sison – umaasa pa rin ang buong PNP na magkakaroon ito ng ‘bukas na pananaw’ para sa kapayapaan.

Sa ganitong paraan aniya ay tuluyan nang matutuldukan ang limang dekadang insurgency at rebelyon.

Naniniwala rin daw ang PNP na unti-unti nang susuko ang mga rebelde, at ibababa na ang kanilang mga armas sa Gobyerno.

Puwersa ng NPA, tuloy sa pagbaba – AFP

Nanindigan din ang AFP na tuloy pa rin sa pagbaba ang puwersa ng mga rebelde.

Ito ay kahit na ipinagmalaki ng CPP na malakas pa rin ang kanilang hanay sa kabila ng pagpanaw ng kanilang founder na si Sison.

Sa isa kasing 24-page report ng CPP kasabay ng kanilang 54th anniversaryo ngayong araw – ibinida nilang mayroon pa silang 110 na mga guerilla fronts.

Kinontra naman ito ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar at sinabing 23 na lamang ang guerilla front ng CPP.

Sa naturang bilang – 5 na lamang daw ang may kakayahan dito habang ang nalalabing 18 ay mahina na ang puwersa.

Nanindigan din si Aguilar na mayroon nang ‘breakdown’ ang linya ng komunikasyon mula sa liderato ng CPP at sa mga sangay nito gaya ng New People’s Army (NPA).

Ngayong araw, ipinresenta ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Bagong Diwa ang 55 mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF at nagbaba ng armas para sumuko sa Gobyerno.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *