PNP, binawi na ang lisensiya ng baril na pagmamay-ari ng suspek sa panibagong road rage sa Valenzuela City

Binawi na ng Philippine National Police Firearms and explosives office ang lisensiya ng baril na pagmamay-ari ng natukoy na suspek sa panibagong road rage sa Bignay-Punturin, Valenzuela.

Napag-alaman na may pagmamay-ari itong 9mm pistol.

Sa viral video, makikita ang isang lalaking lumabas ng SUV, dala-dala ang isang baril habang kinokompronta ang isang taxi driver.

Kasabay nito, nanawagan si PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, na kusa nang isuko ng suspek ang kanyang baril sapagkat maituturing na itong loose firearms ngayong binawi na ng PNP-FEO ang kanyang lisensiya.

Pero higit pa sa pagiging mahinahon sa kalye, ang nais ng mga awtoridad sa publiko, magsumbong para maimbestigahan at umusad sa korte ang mga ganitong kaso.

Maalaalang pinatawan ng 90 days suspension ng Land Transportation Office ang registration ng SUV habang iniimbestigahan pa ang kaso.

Isinapubliko na rin ni LTO chief Vigor Mendoza II, na isang babaeng taga-Bulacan ang nakarehistrong may-ari ng naturang sasakyan.

Ang Pamahalaang Panlungsod ng Valenzuela , nais na rin malaman ang tunay na pangyayari at mga sangkot sa road rage.

Sinabi ng city government na walang puwang sa lungsod ang pananakot at pagmamalabis ng sinumang motorista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *